Benjie Paras admits he and ex-wife Jackie Forster are “not on good terms.”
Nagpahayag ng kanyang saloobin ang basketball player turned comedian na si Benjie Paras tungkol sa reaksiyon ng dati niyang asawa na si Jackie Forster kaugnay ng interview ng dalawa nilang anak na sina Andre at Kobe Paras sa Startalk noong June 22.
Sa nasabing interview ay sinabi ni Andre na sana ay respetuhin ni Jackie ang kanilang “space.”
Dagdag pa niya, “Yung mga ginawa po niya sa amin dati, super na-traumatized po kami and, as of now, we just want space kasi it took us a long time to move on.”
Idinaan naman ni Jackie ang kanyang saloobin sa pamamagitan ng social media.
Aniya, wala na raw siyang itatago at itinangging siya ay “nagging druggy child abuser.”
Sabi pa ng dating aktres, “People need to stop hyping up this tragic situation because when push comes to shove and I need to protect my husband, two children and family now—I may have to reveal a little more that will devastate those people trying to ruin me.
“So don’t push me. You’ve bullied me too much already. Bullies breed bullies.
“All I want are my kids to get to know me now—As an adult a mother at the right age with the right husband doing THE RIGHT THINGS with her LIFE.
“Sometimes it aches that I have to protect Benjie *JUST BECAUSE* HE’s THE FATHER of Andre and Kobe. It would be much easier for people to understand what happened if I told them EVERYTHING.”
BENJIE’S EXPLANATION. Kagabi, July 2, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Benjie sa presscon ng bagong primetime series ng ABS-CBN na Got To Believe na ginanap sa Dolphy Theater.
Ayon kay Benjie, siya mismo ay nagulat sa mga naging pahayag ng kanyang dalawang anak dahil hindi raw niya ito inasahan.
Saad ng komedyante, “Yeah, hindi ko rin ini-expect.
“Pero ang lagi ko lang sinasabi sa kanila na, as much as possible, try to avoid these questions.
“Sila kasi, on their part, hindi na sila mga bata, e.
“Pag pinagsabihan mo, yeah, but because of too much technology now, lalo na ang social media, ang mga bata ay kung may gustong sabihin o ilabas, they will go to their room and, yun, they will start chatting or gagawa sila ng mga tweet.
“Pag minsan may nababalitaan ako na nakalampas sa akin, sabi ko sa kanila na burahin nila.”
Kinausap niya ba sina Andre, 17, at Kobe, 15, o ipinarating niya ang kanyang disappoinment sa mga ito?
Sagot ni Benjie, “Hindi. Sinabihan ko lang sila na wala naman tayong magagawa na if you were put on the spot.
“So, naintindihan ko naman.
“Sabi ko, ‘Next time na lang, parang sagot sa showbiz na ‘no comment.’”
THE CHILDREN’S DECISION. Pero dahil sa naging pahayag ng dalawa niyang anak, naging emotional naman si Jackie to the point na nagbanta ito na may mga isisiwalat siyang sikreto sa ilang pangyayari sa kanyang nakaraan.
Ano ang masasabi ni Benje dito?
Tugon niya, “Dati pa naman, ever since naman ay tumatahimik na lang ako. Hindi lang ako nagsasalita.
“Kasi kapag nagsalita ako, lalong lumalala lang.
“So, kung anuman ang mga gagawin niya [Jackie], okey lang sa akin.
“Ang para sa akin, masaya ako, masaya ang aking pamilya.
“For me, yun ang very important right now.”
Pero magkakaroon kaya ng pagkakataon na magkausap ang mga anak niya at ang estranged mother ng mga ito?
Diin ni Benjie, “Ang mga anak ko ang magde-decide nun. Ako kasi ang napapasama na ako ang may ayaw.
“Hindi ako ang may ayaw, matatanda na ang mga anak ko.
“Marami kasi ang nakikisawsaw na taong matatalino masyado sa social media…
“Alam mom ang social media sa akin ay to promote a product, a show or something, hindi… maraming bobo dito, e.
“Pasensiya na po, maraming matatalino… feeling matatalino at nakikisawsaw.”
Dugtong pa niya, “Ang mga anak ko po ay matatanda na at hindi na sila mga bata na puwedeng turuan kong ano ang sasabihin nila.
“May sariling buhay na sila, may sariling pakiramdam.
“So, kung ano po ang ginagawa nila, sila ang magde-decide at wala akong ide-decide diyan.”
PAST ISSUE. Dahil sa nangyari ay muling nabuhay ang matagal nang isyu sa pagitan nina Benjie at Jackie na nag-ugat sa masalimuot nilang paghihiwalay noon.
Ano ang reaksiyon niya rito?
Sabi ng dating basketbolista, “Ano sa palagay n’yo?
“Well, mahirap, e. Mahirap nang magsalita.
“Ang sa akin lang… ano ba?… Wala, wala akong masabi.
“Siguro darating at darating din yun talaga.”
Nagkaroon ba ng closure ang nangyari sa pagsasama nila ni Jackie?
“Yes, oo. Tapos naman talaga yun,” tugon ni Benjie.
“Ang problema lang kasi, laging lumalabas sa media na hindi niya nakikita ang mga bata.
“Nakikita niya ang mga bata, ang mga bata ang ayaw.
“So, yung part na yun, hanggang dun na lang.”
Ginawan ba niya ng paraan upang ilapit ang mga anak niya sa kanilang biological mother?
“Kinausap ko. Kinausap naming mag-asawa,” pagtukoy ni Benjie sa kanyang second wife na si Lyxen Diomampo, kung saan mayroon na rin siyang dalawang anak na lalaki.
Dagdag niya, “May sarili silang desisyon.
“Dumaan na rin sila [Andre at Kobe] sa child psychiatrist, nagpunta sila roon at…
“Hindi mo puwedeng pagsabihan ang mga bata, e.
“Kung ano ang nakita nila, nakita nila, e.
“Kami lang, iga-guide namin sila as much as possible sa tama.
“At nakikita naman na kahit papaano ay maganda naman ang pagpapalaki sa kanila.”
BENJIE UNDERSTANDS. Lumalabas kasi na bilang isang ina ay aping-api si Jackie dahil hindi nito nakikita ang kanyang mga anak kay Benjie.
Saad ng dating PBA star, “Masakit sa magulang. Masakit sa magulang talaga. Naiintindihan ko lahat yun.
“Masakit sa magulang ang ayawan ka ng anak. Masakit po talaga yun.
“Kaya lang, nasa sa mga anak ko na po yun.
“Hindi ko sila pinipigilan at sila po talaga ang magde-decide para sa kanila.”
Sinasabi ni Jackie na si Benjie ang dahilan kung bakit malayo ang loob ng mga anak nila sa kanya, at ang dating asawa rin daw ang pumipigil sa mga anak upang makita siya.
Ano ang masasabi ni Benjie dito?
Sagot niya, “Expected ko na yun.
“Sinabi ko na sa wife ko na, ‘Naku, magkakaroon ito ng issue na tayo ang masama dito.’
“So, naging ready naman kami.
“Ang sa akin lang is… yun nga ang sinasabi ko sa mga anak ko na, ‘Masaya tayo.
“‘We’re one happy family inside one kulambo, tapos maraming tao na gagawin nating mga lamok na gustong pumasok, pero nasa loob tayo ng kulambo.
“’Yun ang importante. Basta masaya tayo.’”
Ano naman ang reaction ng misis niyang si Lyxen?
Sabi ni Benjie, “Heto naman ay nung pumasok siya sa buhay ko ay medyo may kaguluhan na.
“Naging matibay na rin ang misis ko.
“Obviously, kung napanood natin ang interview sa mga anak ko, nakita n’yo naman na maganda ang relationship nila sa kanilang stepmom nila.
“Ever since, siya na ang nagpalaki dun, nag-guide, nagturo sa kanila, sa school…
“Actually, hindi na nga sa akin lumalapit ang mga anak ko, sa kanya na lumalapit.
“So, ganun sila ka-close kapag may mga problema.”
Bilang ama, naaapektuhan din ba siya sa mga nangyayari at sa mga sinasabi tungkol sa kanya?
Saad ni Benjie, “Ang sa akin naman kasi, sila [his sons] ang mas naaapektuhan kapag may mga sinasabi tungkol sa akin. Sila yung nagagalit.
“Sabi ko, ‘Huwag kayong magagalit.
“‘Ako nga, hindi ako naapektuhan. Tanggap lang ako nang tanggap.
“‘Inuulit ko sa inyo, basta alam n’yo ang tunay na nangyari at masaya tayong lahat.’
“Masaya sila, nasa maganda silang eskuwelahan, nasusunod ang mga gusto at nakakapaglaro sila.
“Yun, yun ang pinakaimportante.”
Ano ang gusto niyang sabihin sa mga nag-aakusa sa kanya ng hindi maganda?
Mariin niyang pahayag, “Wala, wala akong masasabi sa kanila.
“Basta okay ang pamilya ko, yun lang ang masasabi ko.”
LAST MEETING. Kailan silang huling nagkita ni Jackie?
“Four years ago?” tugon ni Benjie.
“Yun, nang pumunta siya sa bahay at may kasamang lawyer and social welfare.
“Dun, dun lahat nangyari yun. Alam nila lahat ang nangyari kaya hindi mo masasabi sa mga bata.
“Hindi ko itinago ang mga bata. Hanapin pa natin ang taga-social welfare, papagsalitaan pa natin siya.
“Lahat naman ay dumaan sa proseso. Dumaan talaga ‘yan sa legal na… naghati talaga kami niyan.
“Kanya yung mga bata this time, sa akin naman this time.
“Dumating lang sa point na ang mga bata ay natuto nang mag-decide. So, laging sa akin, e.
“Kaming dalawa [ni Jackie], walang problema na hindi na kami magkausap. Ang problema lang dito ay ang mga bata.
“So, kung ano man ang problema, siguro ay hintayin natin ang mga bata kung kailan ready. Mahirap kasi kung pipilitin.
“Anytime naman puwede niyang puntahan, ang problema lang ang mga bata.”
Ano ang masasabi niya sa status nilang dalawa ngayon ni Jackie, na may sarili na ring bagong pamilya?
“Friends?” natawang biro ni Benjie.
“Napaka-showbiz! No, masasabi ko na we’re not on good terms.
“So, ganun ang nangyayari ngayon.”
May natutunan ba siyang mahalagang leksyon sa kaganapang ito sa kanyang buhay?
Sabi ni Benjie, “Nangyayari talaga ‘yan, e. Hindi natin maiwasan.
“Ang mga anak ko nga, pinagsasabihan ko na, ‘Kung ma-in love kayo…’ kung meron silang gustong maging girlfriends, ‘i-introduce n’yo sa amin.’
“Ngayon, kung talagang na-in love, okay lang yun. ‘At pag nasaktan kayo, e, di lesson to be learned.
“Nangyayari talaga ‘yan sa buhay. So, hindi natin maiiwasan.”
Ed’s Note: Bukas ang PEP sa panig ni Jackie Forster kaugnay ng mga pahayag na ito ni Benjie Paras.